Sasamahan kita

sasamahan kita sa unang taglamig sa ibang bayan, sa pagngiti nang sa wakas gapusin ng iyong kamay ang mga unang patak ng niyebe mula sa kalangitan

sasamahan kita sa mga paglalakbay, sa mga bundok, burol, ‘di kilalang daan, mga bagong bagay, tao, at pambihirang karanasan

sasamahan kita sa iyong mga pagtangis, sa mga pangamba, sa pag-abot sa mga bituin, sa paghiling sa mga bulalakaw, at sa bawat pagyapak ng iyong mga paa sa dalampasigan

sasamahan kita sa pagyakap ng ulan sa mga lansangan, sa pagsaksi sa lagablab ng araw sa umaga, at sa dahan-dahang paghalik ng dilim sa pisngi ng dagat

hayaan mong samahan kita.

#actinganlangtouy

Sabi nila isang linggo ka lang,

Dubsmash sa Bulaga? Anong suicide attempt ‘yan?

Ayun! Muling gumuhit ng kasaysayan,

‪#‎ALDUBMostAwaitedDate‬ umabot 10 million tweets lang naman!

Ano bang meron ka at kami’y nahalina?

Dahil ba acting mo ramdam naming totoo na?

‘Di gaya ng Pastillas na pilit pinahihinog,

Walang puno, ‘di bunga – hanap ay irog.

Wally

Napangiti ako nang makita kang muli,

Itinaon sa kaarawan ng kaibigang matalik,

Sa harap ng TV, nakayukong nag-sorry,

Bakas lungkot sa mukha, humihibik.

 

‘Di ko naisip na may pangalawang pagkakataon,

Sa iyo’y igagawad sa susunod pang mga taon,

Nguni’t pinatunayan, may higanteng kaloob,

Sa sibat ng manguusig, ‘di nagpakubkob.

 

Sa unang Kalyeserye, inaabangan ka,

Sampu ng milyun-milyong tao na umaasa sa komedya,

Himala ngang tunay, ang kalimutan ng madla,

Iskandalong bumalot, anino ng mala-payasong karera.

 

Traffic sa EDSA, nawawalang parang bula,

Tindahan nagsasara, taxi at trike tigil-pasada,

Nando’n sila nakatunghay, naguumpukan,

Animo’y mga langgam, bago pumatak ang ulan.

 

“Lola Nidora” ang trending mong ngalan,

Sa Wikipedia entry, mababasa kung bubuksan,

Nacurious ako sa pinanggalingang bayan,

Bikolano ka rin pala, gaya ng aking mga magulang.

 

Nais kong malaman mo – nagagalak kami para sa’yo,

Kahit alam naming sa loob mo, puso’y nagdurugo,

Dahil pagkatapos ng palabas, papasok ang katotohanan,

Isa sa mga anak – nasa pagamutan, malubha ang kalagayan.

 

‘Di lang ako natuwa nang iyong hadlangan,

Pagkikita ng Albub, ‘di na lang split screen ang pagtitinginan,

Acting ni Maine Mendoza, mukhang totoo na!

Akala ko ba dapat mahinhin, gaya ng isang dalagang Filipina?

 

Naisip na pamagitan – plywood lang naman,

Maigting na pagyakap, hindi pa pinagbigyan,

Ilang dipa na lang ang agwat, ‘di pa nag-atubili,

Ano ka ba Alden? Nag-moment pa kasi!

 

Iyong mga kasama, todo ang suporta,

TVJ pangunahin na, si Michael V nag-post pa nga,

Commendation, wika niya, sa’yo ay nararapat!

Nakabangon ka na nga, sa pagpapala ‘di salat.

 

Inyong programa, may dalang aral sa tuwina,

Pagtupad sa pangako at salita, walang kasinghalaga,

“Patawad mga kababayan,” ilang beses nang nasambit,

Panghahawakang mahigpit, pagbabagong pilit.

Ulan, Tren, at Gabi

Naramdaman mo ba ‘yung hangin, tila malamig?
Parang may sinasabi, sa una’y malabo ang himig,
Ngunit habang tumatagal, lumilinaw, nauunawa,
Hindi ko alam kung dahil sa ulan, o dala ng awa.
 
 
Napansin mo ba na tuwing gabi, madalas,
Naglalakbay ang diwa, hindi mo namamalas,
Gaya ng ibon sa himpapawid, isip mo’y laya,
Nagbabago kang bigla, nagiging makata. 
 
 
Noo’y iniisip ko, lahat ng tao ganito,
Ngunit nagunita na mali ang akala ko,
Hindi lahat may ganitong pagkakataon,
Ang ila’y nagsasabi na walang kabuluhan, dapat itapon.
 
 
Pinilit kong itago ang pag-ibig sa letra at salita,
Dahil ang inhinyero, sabi nila, ay marapat na hilig ay agham at matematika,
Hindi ba’t marami pang higit sa numero?
O dahil makitid ang daluyan ng dugo sa kanilang ulo?
 
 
Magsulat ka hanggang kaya mo,
Gaya ng ginawa ni Rizal para sa’yo,
Hindi siya nagpapigil sa armas ng kalaban,
Dala niya’y may kapangyarihang humiwa, tagos kalamnan.
 
 
Naramdaman mo ba ‘yung hangin, tila may ibinubulong?
Sa tuwina na lang habang nasa tren, jeep o naghihintay sa kakanlong?
May mga namumuong ideya, pangungusap, kumakatok, naghahanap ng masisilungan,
Mapalad ka, kasapi sa lahing tagapag-ingat ng kanilang pahingahan.