Sasamahan kita

sasamahan kita sa unang taglamig sa ibang bayan, sa pagngiti nang sa wakas gapusin ng iyong kamay ang mga unang patak ng niyebe mula sa kalangitan

sasamahan kita sa mga paglalakbay, sa mga bundok, burol, ‘di kilalang daan, mga bagong bagay, tao, at pambihirang karanasan

sasamahan kita sa iyong mga pagtangis, sa mga pangamba, sa pag-abot sa mga bituin, sa paghiling sa mga bulalakaw, at sa bawat pagyapak ng iyong mga paa sa dalampasigan

sasamahan kita sa pagyakap ng ulan sa mga lansangan, sa pagsaksi sa lagablab ng araw sa umaga, at sa dahan-dahang paghalik ng dilim sa pisngi ng dagat

hayaan mong samahan kita.

Ulan, Tren, at Gabi

Naramdaman mo ba ‘yung hangin, tila malamig?
Parang may sinasabi, sa una’y malabo ang himig,
Ngunit habang tumatagal, lumilinaw, nauunawa,
Hindi ko alam kung dahil sa ulan, o dala ng awa.
 
 
Napansin mo ba na tuwing gabi, madalas,
Naglalakbay ang diwa, hindi mo namamalas,
Gaya ng ibon sa himpapawid, isip mo’y laya,
Nagbabago kang bigla, nagiging makata. 
 
 
Noo’y iniisip ko, lahat ng tao ganito,
Ngunit nagunita na mali ang akala ko,
Hindi lahat may ganitong pagkakataon,
Ang ila’y nagsasabi na walang kabuluhan, dapat itapon.
 
 
Pinilit kong itago ang pag-ibig sa letra at salita,
Dahil ang inhinyero, sabi nila, ay marapat na hilig ay agham at matematika,
Hindi ba’t marami pang higit sa numero?
O dahil makitid ang daluyan ng dugo sa kanilang ulo?
 
 
Magsulat ka hanggang kaya mo,
Gaya ng ginawa ni Rizal para sa’yo,
Hindi siya nagpapigil sa armas ng kalaban,
Dala niya’y may kapangyarihang humiwa, tagos kalamnan.
 
 
Naramdaman mo ba ‘yung hangin, tila may ibinubulong?
Sa tuwina na lang habang nasa tren, jeep o naghihintay sa kakanlong?
May mga namumuong ideya, pangungusap, kumakatok, naghahanap ng masisilungan,
Mapalad ka, kasapi sa lahing tagapag-ingat ng kanilang pahingahan.